Bagong salta
Lara Cristina Mondez-Cruz
Edited by May Zafra
Dalawang maleta. Malamig na umaga ng ako'y lumapag sa paliparan sa buwan ng Mayo. Mga dahon sa puno’y lagas na. Hindi ko alam ko kung saan ako pupunta. Mahigpit ang hawak na nanlalamig kong kamay sa kwaderno na naglalaman ng address na titirahan ko. Ang mga tao sa bahay ay galing sa iba't ibang bahagi ng mundo. Karamihan ay galing Europa o Latin Amerika. Nakatutuwang pagmasdan ang puno ng lemon sa bago kong bahay. Hindi ako masyadong mahilig sa lemon. Sabi ng kasama ko sa bahay na babae na galing Europa, maganda daw ang kulay ng balat ko. Sa bayan kong Pilipinas, bihirang-bihira ko itong marinig at madalas akong tuksuhin noong bata dahil sa kulay ng balat ko. Bagamat maganda ang tram, namimiss kong sumakay sa jeepney. Tinatanong ng mga kaklase ko kung sapat ba ang damit kong pang-lamig. Sabi ng isa kong kaklase “fresh-off the boat” daw ang tawag sa akin. Nagtataka ang titser ko sa klase ng Alcohol and Other Drugs Counselling kung bakit ko alam ang salitang “Fidelity”. Ang sabi niya, hindi naman Ingles ang una kong lenggwahe. Avocado toast at Weet-bix ang madalas kong kainin sa umaga. Walang malapit na tindahang Pinoy.
Dalawang maleta. Mainit na umaga. Mga dahon ay luntian na. May bitbit na balde’t tabo. Maganda ang labas ng bahay. Ang tawag daw dito ay terrace house. May tatlong kwarto ang bahay at napadaming bunk beds. Nag-uunahan kami sa paggamit ng banyo. Naglalakad sa kapitbahayan na puro mga terrace house. Nakakita ako nang isang puno ng kalamansi sa isang bahay. Kumatok at pinagbuksan. Nagtanong ako kung pwedeng makahingi ng kalamansi. Sabi ng puting babae, sige daw. Hindi niya alam kung anong puno ito. Sabi ko ito ay kalamansi, ito ang parang lemon namin sa Pilipinas. Sabi nya ay okay. Gumawa ako ng kalamansi juice. Tamang-tama may sipon ako. Mabuti negatibo ang resulta ng PCR Test ko ng COVID-19. Pakonti ng pakonti ang mga housemates ko. Nahihirapan akong makipag-participate sa klase online. Kahit alam ko ang sagot sa tanong o gusto kong mag-komento hindi mapindot ng kamay ko ang ‘unmute button’. Pakiramdam ko para akong tatalon sa mataas na gusali at walang sasalo sa akin. Sabi sa nabasa kong istorya, buhay daw ang homesickness habang wala ka sa lupang sinilangan at sa piling ng pamilya. Hanggang video call na lang sina mama, kuya at ang pusa namin.
Dalawang maleta. Mahaba na ang umaga. Mga dahon ay bagong sibol. Malaking bahay sa Western suburbs. May sarili na akong kwarto ngayon. Napakatahimik ng kapaligiran. Kailangan kong sumakay ng bus o mag bisikleta papuntang sa istasyon ng tren. Naglalakad sa paligid. Maraming parke. May bahay na may punong ng kalamansi. Kumatok ako. Naririnig ko ang boses nila. Hindi ako pinagbuksan. Nagnakaw ako ng mga kalamansi. Maraming bunga ang puno ngunit mukhang inabandona. Gusto gusto kong magluto ng mestisong morcon. Paborito ko itong ulam na ginagawa ng lola at tita ko sa Biñan, Laguna. Isa sa pangunahin sangkap nito ay ang kalamansi. Masarap ang pakiramdam na uuwi ka sa bahay galing trabaho, at kakain ng mestisong morcon. Kahit pa na walang taong sasalubong pagdating ko at mag-isa lang akong kakain nito. Sanay na ako. Sanay na nga ba ako?
Dalawang maleta. Ang isa ay sira na. Malamig na umaga. Mga dahon sa puno’y lagas na. Hindi ko alam saan ako patungo. Ang alam ko lang ay bata pa lang ako ay pangarap ko ng mag-aral at tumira sa Australia. Wala akong masyadong kaibigan noon, ngayon dumadami na. Dumadami na din ang mga nagbibigay sa akin ng kalamansi. Kapag nadaraanan ko ang puno ng kalamansi ng kapitbahay, minsan maraming bunga at minsan wala. Hindi lahat ng araw ay masaya at hindi rin lahat ng araw ay malungkot.
At may mga araw na nakakalimutan kong alagaan ang sarili ko. Sabi nga sa salawikain, “Ang tumatakbo ng matulin kung matinik ay malalim”. Sa kahit anong bagsak, dahan-dahan akong bumabangon. May mga pagkakataon na ang hirap talagang bumangon. Nandito na ako at gusto kong maging permanent resident. Sa mga susunod na buwan, maaaring lumipat ulit ako ng bahay. Mas malayo na. Baka sa regional area. At sana mayroong puno ng kalamansi.
Lara Cruz came in Australia in 2019 with two luggages to study counselling. In the Philippines, she lives in Cavite and Quezon City. Her hobbies include painting and calligraphy using feather quill. She is now a registered counsellor.